Pages

Buwan ng Wika

Monday, August 29, 2016

Hindi lamang pinupokus ng Buwan ng Wika ang alindog ng ating pambansang wika, ang Filipino, ipinapakita din nito ang mayamang kulturang taglay ng Pilipinas. Pinapaalala ng buwang ito sa bawat mamamayang Pilipino ang walang kapantay na kagandahan ng ating inang-bayan, habang patuloy ang panunukso ng modernong lipunan gamit ang matagumpay na buhay na inaalok ng mga banyagang bansa. 

Napapaloob naman sa kaakit-akit na kultura ng Pilipinas ang ating nakakatakam na mga putahe, mga nirerespetong tradisyon na patuloy nating isinasabuhay, at higit sa lahat, ang ating nakamamangha at maaalindog na kasuotan. Isa sa mga kasuotang ito ay ang terno, isang marikit at mayuming damit na espesyal na ibinurda para sa mga Pilipina.


T E R N O
Pinagmulan: NCR 
Sa kasaysayan ng iba't ibang mga damit ng mga Pilipina, labis na kinikilala at isinusuot ang terno. Nanggaling ang salitang "terno" sa wikang Espanyol na nangangahulugang "maitugma" kung kaya't ang kasuotan ay binubuo ng dalawang bahagi: ang pang-itaas at ang pang-ibaba.

Nagmula ang disenyo ng terno sa baro't saya na binubuo naman ng kamisa, panuelo, saya at tapis. Habang unti-unting tumataas ang manggas ng terno, tinanggal ang panuelo, at ang tapis naman ay inalis upang maging malaya ang kilos ng saya. 

Binagay ang mga natirang bahagi nito: ang kamisa at ang saya. Inilakip ang dalawa sa baywang ng babae upang maging isa ang damit. Gawa ang dalawa sa parehong materyal.

Ang seamlessness ng terno ay isa sa mga pinakamalikhaing katangian nito. Ang mga manggas nito ay matuwid at patag ito sa mga balikat na may hugis ng ginupit na pakpak ng paruparo. 

Noong ikalabing-siyam na siglo, nakamit ng terno ang mga katangiang nagpatangi nito hanggang sa wakas ng kolonyal na panahon. Isinusuot din ito ng kababaihan sa iba't ibang pagdiriwang sa bansa katulad ng mga prosesyon sa Flores de Mayo, Rigodon de Honor, gabi ng koronasyon ng mga beauty pageants, at sa mga prestihiyosong pagtitipon ng pamahalaan. 
Ang terno ay tinaguriang obra-maestra, klasiko  isang pambansang kayamanan.

Kaaya-aya naming dinadala ang aming maririlag na mga terno sa kulminasyon ng Buwan ng Wika.

No comments:

Post a Comment

 
FREE BLOGGER TEMPLATE BY DESIGNER BLOGS